PAGSUSURI NG NOBELA
DEKADA ‘70
PAMAGAT
“Gaano ba kadilim ang yugto na ito upang tawaging bangungot sa buhay ng mga Pilipino?”
Ang Dekada ’70 na pamagat ng nobela, ay tumatalakay sa mga pangyayari sa lipunan at sa naging buhay ng mga Pilipino sa dekadang ito. Sa dekadang ito lumabas ang mga uri ng tao sa lipunan; mga nakakaunawa sa pamamalakad ng pamahalaan, mga makabayan, mga lumalaban sa katiwalian, mga walang pakialam sa nangyayari sa paligid, at ang mga kababaihang namulat sa papel na dapat nilang gampanan sa lipunan.
MAY AKDA
“Ang mga kamay na sumulat ng nobelang ito ay mga kamay ng isang babaeng nagpupumiglas na maisiwalat ang nais isigaw ng kanyang damdamin.”
Ang may-akda ng Dekada ’70, si Lualhati Torres Bautista, ay isa sa pinaka tanyag na Pilipinong nobelista. Siya ay ipinanganak noong ika-dalawa ng Disyembre, 1945 sa Tondo, Manila. Nag-aral siya sa Torres High School noong 1962. Kursong Journalism ang inaral niya sa Lyceum of the Philippines, ngunit tumigil siya upang maging isang manunulat sapagkat masyadong mabagal mag-aral sa kolehiyo. Bagamat kulang sa pormal na pagsasanay, si Bautista ay naging kilala sa kanyang makatotohanan at matapang na pahayag sa mga isyung kinasasangkutan ng mga babaeng Filipino at sa kanyang makabagbag damdamin na nagpapakita sa babae na may mahirap na sitwasyon sa bahay at sa trabaho. Siya ay may maraming sikat na nobela at ulat, isa rito ay ang Dekada ‘70.
Pinagyaman niya ang kanyang talento sa pagsusulat sa pamamagitan ng mga personal na karanasan, pagmamasid sa kapaligiran, at inspirasyon mula sa mga minamahal. Karaniwang realidad sa buhay at mga tema ng kanyang kwento at may kaugnayan sa mga kababaihan.
Hanggang sa kasalukuyan, si Bautista ay patuloy pa rin sa pagsusulat at paglalathala ng mga aklat. Napakarami na niyang tinanggap na parangal at mga pagkilala, dito at sa ibang bansa.
TAUHAN
“Ang mga magulang ang humuhubog sa katauhan ng mga anak ngunit sila ang pumipili ng landas na ibig niyang tahakin.”
- Julian Bartolome Sr. — pinuno ng pamilya Bartolome na nais ang lahat ng kanyang mga anak na maging matagumpay sa buhay. Naging manhid at walang pakialam sa kakulangan nararamdaman ng kanyang asawa ngunit nang makikipaghiwalay na si Amanda ay nangako itong magbabago na tinupad naman nya.
- Amanda Bartolome — asawa ni Julian at ina ng limang anak na lalaki; kumikilos ng naaayon sa dikta ng lipunan at ng kanyang asawa. Dumaan sa maraming pagsubok at kinalaunan ay sumama din sa pakikibaka para sa demokrasya.
- Julian “Jules”- siya ang panganay na anak nila Amanda at Julian; liberal ang pananaw sa buhay at naging komunista. Ginawa niyang umanib sa samahang tumutuligsa sa pamahalaan. Si Jules ay nabilanggo matapos na ipagkanulo ng isang kaibigan ang pamilya sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanyang sarili na isang operatiba ng gobyerno.
- Isagani “Gani” — ang pangalawang anak nila Julian at Amanda; maagang nagasawa nang mabuntis ang kanyang kasintahan na si Evelyn. Pinili nitong manirahan at nagtrabaho siya sa US Navy.
- Emmanuel “Em” — ang pangatlong anak ng mga Bartolome; pinaka matalino sa magkakapatid na nagsusulat sa isang pahayagang sumasalungat sa Batas Militar.
- Jason — ikaapat na anak siya ng Bartolome; pinaka malambing ngunit pinatay siya at sinaksak ng maraming beses ng mga tiwaling pulis.
- Benjamin “Bingo” — bunso sa magkakapatid na bagaman namulat sa kaguluhan ng pamilya ay nakapagtapos naman ng kolehiyo.
Isinisimbulo ng mga Tauhan:
Ang mga tauhan ay sumisimbolo sa mga mamamayan sa lipunan. Karamihan sa mga gumagalaw sa paligid ay mga kalalakihan at ang mga babae ay nasa bahay upang mag asikaso ng pamilya. Ang kanilang pag-uugali at personalidad ay personalidad ng mga mamamayang Pilipino. Ang kanilang kwento ay kwento ng mga tao noon na naapektuhan sa pamamalakad ng Batas Militar. Ang pagdurusa ng mga magulang ng mga kabataang naging biktima ng batas militar, ang mga damdaming makabayan na pilit nakikipaglaban sa dahas ng lipunan, at mga pangarap ng hindi natupad dahil sa sitwasyon ng kanilang panahon.
TAGPUAN
“Mananatiling saksi sa lahat ng pangyayari.”
Ang mga tagpuan sa nobelang ito ay:
Sa sala at sa kwarto, sa bahay ng pamilya Bartolome.
Sa library, kung saan sinabi ni Emmanuel kay Julian ang balitang patay na si Jason.
Sa presinto, na mismong naganap ang pagbugbog kay Jules nang siya ay mahuli at dito rin naman naganap ang kanyang paglaya.
Ang tagpuan sa nobelang ito ay sumisimbolo sa Pilipinas. Dito naganap ang mga pangyayari. Nakikita rito ang mga galaw at ugali ng mga tao.
BANGHAY at DULOG SA PAGSUSURI
“Ano nga bang kalagayan ng mga kababaihan sa lipunan?”
Dekada ’70 , panahong dinanas ang kaguluhan at kahirapan dulot ng Martial Law. Laganap ang krimen, dumami ang mga rally, at marami ang nakulong nang hindi nauunawaan ang kanilang nagawang kasalanan. Ang pamilya Bartolome ay isa sa maraming pamilya na nakaranas ng mga pagsubok noong panahon na iyon. Si Amanda Bartolome na ilaw ng tahanan ng pamilya ay dumanas ng maling pagtrato kaya’t pinilit niyang hanapin ang lugar ng sarili at papel niya bilang babae.
Si Amanda Bartolome, sa simula ng nobela, ay isang karaniwang maybahay at ina, na nangangalaga sa mga pangangailangan ng asawa at mga anak. Katuwang ni Amanda ang inhinyerong asawa na si Julian Sr. sa pagpapalaki sa lima nilang anak na lalaki. Maraming pagkakataon na nababalewala si Amanda sa kanyang opinyon. Hindi rin pinapakinggan ang kanyang mga sinasabi. Parang wala siya sa harapan ng kanyang asawa at mga kaibigan. Sa eksenang pilit sumasali sa usapang pulitikal si Amanda, at nagkamali siya nang sinabing nagsulat ng librong Ingles si Amado V. Hernandez. Ipinakita dito ng may akda ang Teoryang Peminismo.
Ang eksenang nagpapaalam si Amanda kay Julian upang magtrabaho at sinagot siya ng asawa: “Hindi ka magtatrabaho habang ako ang lalaki sa ating dalawa. And that is final!” Ito ay patunay ng Teoryang Peminismo sa nobelang ito.
“Ang mundong kung saan kayong mga babae ay parang mga dahong natutuyo sa sanga sa kakahintay sa pagpansin naming mga lalaki, hanggang sa maawa kaming isali kayo sa ligaya’t luwalhati ng mundong ibabaw. Wala kayong magagawa eh, iyan ang batas; it’s a man’s world!”
Mga linya ni Amanda habang nagsisiwalat ng sama ng loob dahil sa maling pagtingin sa katulad niyang babae: “Buong buhay ko, yan na lang lagi ang sinasabi sa akin…..wala kang magagawa, yan ang gusto ng asawa mo. Wala kang magagawa dahil dapat ganito….hindi dapat ganyan…”
“Kung nanay ka talaga, hindi ka lang nanganganak kundi naipaglalaban mo rin ang mga anak mo.”
Mga patunay na ginamit sa nobela ang Teoryang Peminismo. Noong panahon naiyon, magkalayo ang estado sa lipunan ng babae at lalaki. Mahina ang tingin sa mga babae at hindi sila binibigyan ng boses sa lipunan. Pambahay sila at inaasahang tutugon sa lahat ng pangangailangan ng pamilya sa loob ng tahanan.
Sa nobelang ito, maraming Isyung Panlipunan ang natalakay. Isa na ang paglabag sa karapatang pantao at kasama na ang peminismo. Binabalewala at walang boses ang mga kababaihan. Hindi napapansin o wala talagang batas na nagpoprotekta sa karapatan ng mga kababaihan.
Sa nobelang ito, ginamit ang Teoryang Realismo. Ang mga pangyayari sa nobela ay mga totoong pangyayari noong panahon na iyon. Makikita ito sa mga nagaganap o Isyung Panlipunan. Ang kahirapan, ang kawalang hustisya, ang laganap na pagpatay, at korapsyon sa pamahalaan. Maraming kilos-protesta, mga estudyanteng aktibista, police brutality, at salvaging. Makikita ito sa news araw-araw. Saksi ang pamilya Bartolome sa mga kilos propesta na nadaan nila sa kalsada matapo ang JS Prom ng mga anak nila. Ang mga kaguluhang ito ang ginamit ni dating Pangulong Marcos para ideklara ang Martial Law.
Isa ring patunay na Teoryang Realismo ang ginamit sa nobela sa mga pag-alis sa bansa upang magtrabaho sa ibang bansa dahil sa kaguluhan at kahirapan. Ang pagtratrabaho ni Isagani sa US Navy ay sumisimbolo sa realidad na ito. Ang pagpigil sa malayang pamamahayag ay isa ring realidad noong panahon na batas militar ang umiiral. Mga Isyung Panlipunan din ito noong panahon ng dekada ‘70.
Ipinakita rin ang Teoryang Marxismo sa nobelang ito. Ang teoryang Marxismo ay ang paniniwala na ang tao ay may sariling kakayahan na umangat sa pagdurusang dulot ng kahirapan sa mga suliraning panlipunan at pampulitika. Ang teorya ng Marxist ay isang hanay ng mga ideyang pampulitika, pang-ekonomiya at panlipunan. Makikita ito sa nobela dahil ang magkakapatid ay may ibat-ibang tugon sa mga pangyayari ngunit iisa ang layunin, ang pagbabago sa pamahalaan. Ipinakita nila ang pagiging mulat sa sitwasyon ng bansa. “Kung hindi ngayon, kelan? “— Amanda sa eksenang kausap niya si Em tungkol sa pag-usisa niya ng ibig sabihin ng “Political Officer”. Ipinakita rito ang unti-unting pagkamulat ni Amanda para sa pagbabago sa lipunan. Nagsisimula na niyang matanggap na kailangang lumaban ang mahina sa malakas at ang mga naaapi laban sa may kapangyarihan. Ang pang-aapi ng mga may kapangyarihan laban sa mahihina ang Isyung Panlipunan dito. Sa huling bahagi ng pelikula, makikitang sumama na sa kilos protesta si Amanda. Nanindigan na siya sa paglaban sa pamahalaam upang makibahagi sa pagbabagong nais makamit ng lahat.
KONKLUSYON
Ang nobelang “Dekada ‘70” ay sumasalamin sa reyalidad ng buhay noong panahong iyon. Ang mga isyung panlipunan na araw araw na kinakaharap ng mamamayan. Ipinakita rito ang pagbangon laban sa kahinaan at kahirapan. Sa kabila ng magulo at mahirap na sitwasyon, maaaring baguhin ng tao ang kanyang kahihinatnan.
Ngunit hindi pawang kaguluhan ang nangyari noong Dekada ’70. Pinag-aralan natin sa Araling Panlipunan na marami ring kagandahan na nangyari nang panahon na iyan. Maraming mga proyekto na inilunsad upang makatulong sa mga tao.
Magulo man o maunlad ang buhay noon, kailangan lamang manindigan. Mahalagang magkaroon ng prinsipyo. Mahalagang tumayo ayon sa pangangailangan mo at sa idinidikta ng damdamin mo.
REKOMENDASYON
Ang mga pangyayari sa nobela ay bahagi na ng ating kasaysayan. May mga magaganda at mga masasamang pangyayari. Magsilbi sana itong aral at gabay sa atin sa patuloy nating pamumuhay sa ating lipunan. Inirerekimenda ko na basahin ito ng mga kabataang tulad ko dahil sa aking palagay, may mapupulot tayong aral sa mga pangyayari noon na maaari nating gamiting gabay sa paglabas natin sa lipunan. Tayo ba ay magiging Amanda Bartolome na sa huli ay nanindigan sa kanyang prinsipyo at lumantad upang hanapin ang tunay niyang pagkatao?